Monday, March 21, 2011

Sa Ikaaayos ng Mundo, 'Wag Mag-Sando!



Ayon sa pananaliksik ng Spot.ph, dalawang klase ang lalaking Pinoy na nagsasando: isang nagsusuot nito dahil sobrang naiinitan, at isang nagsusuot nito dahil gusto lang ipagmayabang ang mga braso nila. Oo nga naman, di ba? Magkakaluslos ka na sa pagwe-weights tapos hindi mo ipagmamalaki sa buong sangkatauhan? Tama?
Leche!
Ang pagsuot ng sando sa mga pampublikong lugar—gaya at lalo na ng mga restaurant—ay nagdudulot ng matinding alibadbad sa iyong kapwa. Hindi nakakatuwang makakita ng mabuhok na kili-kili at sandong nagmamakaawa  na sa sobrang sikip.
Sa kalagitnaan ng banta ng lindol at tsunami at kasama ang gulo sa Middle East, isang isyu ang kailangan nating talakayin. Ito ang salot na matagal nang naghahatid ng lagim sa puso ng ating magulong lipunan: mga lalaking nagsusuot ng sando sa mga mall at restaurant.

RULE #1. PAG NASA PUBLIKONG LUGAR, ‘WAG MAGSUSUOT NG SANDO

Pero may mga exceptions:
• Basketball player, boksingero, mixed-martial arts fighter, at ikaw ay nasa laro o lugar ng ensayo
• Gym instructor
• Rapper
• Mangangalakal ng diyaryo-bote
• Tambay sa kanto
•Matador sa palengke
•Small-time na drug pusher sa Tondo at Culiat
• Sidewalk vendor sa Divisoria
• Construction worker
•Call boy
• Freddie Mercury (R.I.P)

RULE #2. Eto lang ang mga lugar na puwede kang magsando:
•Gym
•Bahay
• Lansangan— Provided na hindi ka sasakay sa anumang uri ng public transport— exception:pedicab at kuliglig, pero dapat solo ka lang at walang kasakay na ibang pasahero. Sa loob ng jeep, malaking kasalanan ang ibuyangyang ang kili-kili mo sa napakasikip at napaka-init na espasyo.
Hindi uubra ang palusot na, “Eh athlete ako eh!”

Tol, kahit nga si Michael Jordan na pinakamagaling na basketbolista sa buong mundo ay hindi nagpapa-interview sa press sa loob ng locker room na nakasuot lang ng tuwalya. Haharap siya sa media sa isang pormal na presscon na naka-Amerikana. May koneksyon ba ang pagiging disente sa pananamit sa galing sa sports? Baka meron. Baka wala. Pero  sa bilyon-bilyong dolyar na kinikita ng taong ‘to, kung tutuusin mo, ang dali-daling mambalasubas sa pananamit. Di ba? “Pakialam ko sa inyo? Ako si Michael Jordan!” Si Jordan na yun. Ano pinagmamalaki mo? Nakaka-bench press ka ng 300?
Kahit sino ka man, wala ka pa ring karapatang magsando pag pumasok na sa Robinson’s Galleria, Mall of Asia (Starmall o kaya Farmers’ Plaza baka puwede pa) o kaya sa restaurant— sosyal man o pinaka-jologs. May dahilan kung bakit may aircon ang mga lugar na ito: hindi lang para magbigay-lamig, kundi upang pigilan ang mga tulad mo sa pagsuot ng walang kadangal-dangal na damit na ito. Alam ng mga sosyalin na mall and club owners ‘yan: kaya nga may sign sa pinto na NO SANDO, NO SLIPPERS ALLOWED. Pansinin: laging nauuna ang “NO SANDO.” Pero ang malupet na kombinasyon ng sando at chipanggang tsinelas ang ganap na magbubura ng anumang bakas ng respeto sa iyong pagkatao.
Puwera na lang kung: ikaw ay nasa Boracay. In which case, wala akong pakialam kahit nakalabas ang itlog mo habang humihigop ka ng mango shake sa Station One.


RULE #2 KUNG DI MAKAYANANG MAGSANDO, MAMILI KA NAMAN NG MAAYOS-AYOS.

Lalong lalo na ang square neck na sando, o ang tinatawag nilang “fetuccine” straps—  ang nakakatawang uri ng sando na imbes na pabilog ang kuwelyo ay puro diretso lang. Kaya mukhang tanga—mukhang apron.  Kailanma’y hindi ito magiging kasuotan ng tunay na lalaki. Hindi lang ‘yun. Ito talaga’y masakit sa mata. Lalo na kung kulay kalawang ang buhok mo. Puwera na lang kung ang trabaho mo’y mag-abang ng parokyano sa kanto ng elliptical road sa kadiliman ng gabi.
Basketball jersey? Sando pa rin yun, kahit na sabihin mong imported at mamahalin ang suot mong Miami Heat na jersey. Kahit pa mukha ka nang pawnshop sa sobrang dami ng bling. Sasabihin mo: “Eh hiphop ako eh.” Baka mapatawid pa siguro ng taong bayan kung medyo maluwag ang suot mo— sa isang baduy na club sa Tomas Morato sa QC.

RULE #3 KUNG TALAGANG IKAMAMATAY MO PAG DI KA NAGSANDO, SIGURADUHING WALANG ASIM ANG KILI-KILI

Self-explanatory.


RULE #4 PUCHA TOL, KUNG MAPIPIGILAN MO, WAG KA NANG MAGSANDO

Napapansin mo na minsan hindi ka ginagalang ng security guards ng ilang establisyimento? Ang respeto sa sarili ay nagmumula sa iyong kasuotan. Mababaw ba masyado?
Punyeta, HINDI! Una kang pupunahin ng kapwa mo sa iyong panlabas na anyo. Tama na yang pa-jeproks-jeproks na yan.
Mahirap sabihin na dalisay ang iyong kalooban kung nakikita naming ang kili-kili mo na may mga tinga-tinga pa ng mumurahing deodorant.
Naiintindihan ko na mainit talaga sa Pilipinas, at kadalasan ang mahabang manggas ay walang naidudulot para ibsan ang problemang ‘to. Pero, ‘dre, marami nang paraan ng pagpapalamig ngayon— kaya nga tayo binigyan ng diyos ng utak. Mainit? Kumain ng halo-halo. O kaya, maligo ka.

No comments:

Post a Comment